Bakit ako nagiisa? Anong iniisip ko?
Yan ay ilan lang sa mga katanungan na madalas ay itinatanong ko sa aking sarili. Pero sa mga oras na ito’y iba ang nais ko, hindi ko alam. Pero gusto sanang marinig mula sa ibang tao ang mga tanong sa isipan ko. Parang ang sarap pakinggan kung, Bakit ka nagiisa? Anong iniisip mo?.. Yung nanggagaling sa ibang tao.
Sa ganitong pagkakataon, sa mga oras ng pagiisa, masarap magpunta sa lugar kung saan pwedeng mag-kape at makakapagisip ako ng lubusan.
Gabi. Katahimikan ang bumabalot sa paligid, pero maririnig ng sinumang tatabi sa akin ang maingay kong isipan at ang naghuhumiyaw kong damdamin.
Bakit masaya ang tao? Paano ba nagiging masaya ang isang tao?
Ang alam ko lang, ako ay hindi nabubuhay sa mundo para maging masaya para sa sarile ko lamang. Brutal ang mundo, hindi mapagpatawad at puno ng kalungkutan. Ako, tulad ng ibang tao ay sadyang malungkot, naghahanap, at hindi nakukuntento.
Pagibig nga ba ang kasagutan? Ang pagkakaroon ng madaming kaibigan? Ang magkaroon ng kasintahan? Ang magkaroon ng magandang trabaho? Paano ba maging masaya? Maging masaya sa panahong pakiramdam ko eh, pagod na ako na maging malungkot. Sa mga panahong sinasabi ng ibang tao na, wala akong dahilan para maging malungkot. Nakakalito, mas nakakapagod.
Naalala ko si Adan. Magisa lang siya. Malungkot. Kaya ibinigay ng Diyos sa kanya si Eba. Pero sa tingin mo ba si Eba ang dahilan ng pagiging masaya ni Adan? Kung yan ang iniisip ko, pwes alam kong nagkakamali ako.
Hindi ko naman kailangan ng dahilan para maging masaya. Ang mabuhay lang sa mundong brutal na punong puno ng kalungkutan at kasamaan ay sapat na para maging masaya ang ibang tao. Mabubuhay ako para sa ibang tao at hindi para sa sarili ko. Yan ang tingin kong tamang dahilan para maging masaya ako.
Hindi ko naman kailangan ng kaibigan para maging masaya, AKO ang magiging kaibigan para sa iba.
Hindi ko kailangan ng mga ngiti mula sa ibang tao, AKO ang ngingiti para sa iba.
Hindi ko naman talaga kailangan ng pagmamahal o mahalin para lang maging masaya ako at makatakas sa kalungkutan kong ito, sa kalungkutan ng tao.
Ang masarap at alam kong mas tama eh, AKO mismo ang magmamahal para maging masaya.
AKO ang magiging dahilan ng kasiyahan KO, dahil alam kong hindi ko dapat hanapin sa iba ang kasiyahang matagal ko ng inaasam.
Kelan ba ako huling nagbigay ng pagmamahal, at hindi humingi nito?
Ang alam ko lang kasi ang pag - ibig ay hindi pinipilit, hinihingi at pagmamakaawa. Kasi sa oras na gawin ko yan, isa lang ang bagsak ko… sa balon ng kalungkutan. Balik na naman ako sa una, para kalang computer na bagong format.
Muli.., biglang pumatak ang luha mula sa kaharian ng langit na naging dahilan sa pagpukaw ng gising na gising kong imahinasyon…
…na masaya ako.
pano nga ba maging masaya madaling isipin pero hirap hanapin ang kasiyahan ... pero gusto yung part na ako ang magiging kasiyahan para sa iba heheheheh ......
ReplyDelete